Crossovers mapapalaban sa PVL
MANILA, Philippines — Marami nang pagbabago sa Chery Tiggo.
Isa na rito ang pagkawala nina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat sa kanilang koponan.
At itinuturing na malaking hamon ito sa Crossovers sa pagpasok ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na papalo bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Aminado si opposite hitter at team captain Mylene Paat na malaking pagsubok ito para sa Crossovers lalo pa’t tunay na maasahan ang Santiago sisters sa opensa.
Sina Jaja at Dindin ang bumandera nang masungkit ng Crossovers ang titulo sa 2021 PVL Open Conference sa Ilocos.
Ngunit nais ni Paat na maging challenge ito upang buhatin ang Crossovers sa All-Filipino Conference.
“Kailangan naming tanggapin kung sino ang mga nasa lineup. Malaking challenge ito para sa akin dahil mas marami akong maii-share sa mga teammates ko,” ani Paat.
Si Paat ang top scorer ng Chery Tiggo sa mga nakalipas na kumperensiya ng liga.
Sa katunayan, nasikwat nito ang MVP award gayundin ang Best Opposite Spiker plum.
Unang makakaharap ng Chery Tiggo ang Cignal HD Spikers sa Pebrero 7 sa Philsports Arena sa Pasig City.
- Latest