Butler inilusot ang Heat sa Cavaliers
CLEVELAND, Philippines — Uminit ang mga kamay ni Jimmy Butler at nagbuslo ng 23 points at humakot si Bam Adebayo ng 18 points at 11 rebounds paa sa 100-97 pagsunog ng Miami Heat sa Cavaliers .
Umiskor din sina Tyler Herro at Caleb Martin ng tig-18 points para sa paglapit ng Miami (29-123) sa fifth-place na Cleveland (31-22) sa Eastern Conference standings.
Ang short jumper at free throw ni Butler ang nagbigay sa Heat ng 99-93 abante sa huling 12 segundo ng fourth quarter.
Ang triple ni Darius Garland ang nagdikit naman sa Cavs sa 97-99 sa nalalabing 8.7 segundo.
Matapos ang split ni Butler sa huling 7.3 segundo para sa 100-97 bentahe ng Miami ay bigo si Donovan Mitchell na maipasok ang kanyang tres sa huling posesyon ng Cleveland.
Sa New York, humakot si LeBron James ng triple-double na 28 points, 11 assists at 10 rebounds sa 129-123 overtime win ng Los Angeles Lakers (24-28) sa Knicks (27-25).
Sa Denver, nagpasabog si Jamal Murray ng 32 points sa 122-113 panalo ng Nuggets (35-16) sa New Orleans Pelicans (26-26).
Inilista ni Nikola Jokic ang kanyang ika-16 triple-double sa season sa tinapos niyang 26 points, 18 rebounds at 15 assists para sa Denver.
Sa Chicago, nagposte si Kawhi Leonard ng 33 points sa 108-103 pagdaig ng LA Clippers (29-25) sa Bulls (23-27).
Sa Milwaukee, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 34 points at 18 rebounds para banderahan ang Bucks (34-17) sa 124-115 pagsuwag sa Charlotte Hornets (15-37).
- Latest