Yulo focus sa Paris Games
MANILA, Philippines — Desidido si Tokyo Olympics veteran Carlos Edriel Yulo na makabawi sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Kaya naman ilang torneo ang hindi lalahukan ni Yulo para pagtuunan ang pagkuwalipika nito sa Paris Games.
Mismong si Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion ang nagkumpirma na hindi masisilayan sa aksiyon si Yulo sa Asian Games na idaraos sa Setyembre sa Hangzhou, China.
Ito ay dahil lalahok si Yulo sa World Artistic Gymnastics Championships na gaganapin naman sa Antwerp, Belgium.
Ang naturang world championships ay isang qualifying tournament para sa Paris Olympics.
Halos magkasabay ang Asian Games at World Championships.
Gaganapin ang Asian Games sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8, habang idaraos naman ang World Chmpionships sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 10.
Kaya naman malabo ang posibilidad na malahukan ni Yulo ang dalawang malaking torneo.
Nagpasya ang grupo ni Yulo na lumahok sa World Championships dahil ito ang magiging daan ng Pinoy gymnast para magkuwalipika sa Paris Olympics.
Magandang pagkakataon sana na magpartisipa si Yulo sa Asian Games dahil malaki ang posibilidad nito na humakot ng ginto.
- Latest