Red Queen pinahanga ang bayang karerista
MANILA, Philippines — Hinangaan ng mga karerista ang Red Queen matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nakipagtagisan ng bilis ang Red Queen sa Success Of Times, matagal ang bakbakan sa unahan pero hindi naubusan ng lakas ang winning horse kaya nanalo ito ng may apat na kabayong agwat sa pumangalang Bushido Code.
Paparating ng huling kurbada ay kumalas na ang Red Queen sa pagkakapit ng Success Of Times kaya mag-isa na lang ito sa unahan sa rektahan.
Sinakyan ni jockey Pabs Cabalejo, nirehistro ng Red Queen ang tiyempong 1:27.6 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si PD Mendoza ang P10,000 added prize.
Tumersero ang Chocolate Thunder, pang-apat ang Money For Gabriel habang pumang-lima ang Bocaue Rivertown sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, hindi rin nagpadaig ang My Dear Magnolia matapos manalo sa isa pang PHILRACOM - RBHS na pinakawalan sa pangatlong karera.
Ginabayan ni Conrad Henson, nirehistro ng My Dear Magnolia ang 1:30.2 minuto sa 1,400 meter race, pumangalawa ang Sagitsit, tersero ang Kenkenrarabell habang pumang-apat ang Chesapeake Bay.
- Latest