Silver nilundag ni Obiena sa Germany
MANILA, Philippines — Humirit ng pambuenamanong medalya si Tokyo Olympics veteran EJ Obiena sa pagsisimula ng season matapos umani ng silver medal sa Internationales Springer-Meeting na ginanap sa Cottbus, Germany.
Naitala ni Obiena ang 5.77 metro para masiguro ang ikalawang puwesto.
Bumandera sa event si Sam Kendricks ng Amerika na nagtala ng dikit na 5.82m.
“2023 Indoor Season Opened here in Internationales Springer-Meeting with 5.77m. Cottbus you are amazing,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Sa kanyang unang talon ay nakuha ni Obiena ang 5.50 metro sa ikatlong pagtatangka.
Agad naman niyang nalinis ang 5.67m at 5.77m.
Sinubukan ni Obiena na makuha ang 5.82 subalit bigo siya sa kanyang tatlong attempts dahilan para magkasya lamang sa pilak na medalya.
Magandang simula ito para kay Obiena na ilang malalaking torneo ang paghahandaan sa taong ito.
Kabilang na rito ang pagdepensa sa kaniyang korona sa Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo kung saan target niyang magtala ng bagong SEAG record.
Puntirya rin ni Obiena na masikwat ang ginto at Asian record sa Asian Games na gaganapin naman sa Hangzhou, China.
Hahataw din si Obiena sa 2023 IATF World Athletics Championships na idaraos naman sa Budapest, Hungary mula Agosto 19 hanggang 27.
- Latest