Ramos, Ravena sa B.League All-Stars
MANILA, Philippines — Paparada ang lahat ng 11 Filipino players bilang miyembro ng Asian All-Stars para sa inaabangang 20223 B. League All-Star Weekend sa Mito, Japan.
Bida rito ang mga beteranong sina Dwight Ramos ng Levanga Hokkaido, Ray Parks Jr. ng Nagoya Diamond Dolphins, Kiefer Ravena ng Shiga Lakestars at Thirdy Ravena ng San-en NeoPhoenix na noong nakaraang season pa naglalaro sa Japan.
Bagama’t bagito pa lang sa “Land of the Rising Sun” ay swak din sa All-Stars sina Justine Baltazar ng Hiroshima Dragonflies, Matthew Wright ng Kyoto Hannaryz at Jay Washington ng Ryukyu Golden Kings na pare-parehong nasa B. League Division I.
Kahit naman sa Division II naglalaro ay kasali rin sa All-Star Weekend sina Kobe Paras ng Altiri Chiba, Jordan Heading ng Nagasaki Velca, Roosevelt Adams ng Kagawa Five Arrows at Greg Slaughter ng Rizing Zephyr Fukuoka.
Kinatawan ng Pilipinas bilang Asian imports ang mga naturang manlalaro sa ilalim ng Asian Player Quota program ng Japan B. League.
Sa Asian All-Stars ay makakasama nila ang iba pang Asian stalwarts na sina Wang Weija (Akita Nothern Happinets) ng China at Brandon Jawato (SeaHorses Mikawa) ng Indonesia pati sina Yang Jaemin (Utsunomiya Brex) at Gibeom Cheon (Fukushima Firebinds) ng South Korea na makikipagsagupa kontra sa All-Stars ng Japan.
Maglalaro na rin sana noong nakaraang season sina Ramos, ang magkapatid na Ravena, Parks at Paras sa All-Star subalit nakansela ito dahil sa pagtaas ng mga COVID-19 cases doon.
Samantala, sasalang din sa Skills Challenge si Kiefer, habang sa Three-Point Contest naman lalahok si Heading.
- Latest