Sotto huhugutan ng lakas ng 36ers laban sa Kings
MANILA, Philippines — Matamis na bawi ang tangka ngayon ni Kai Sotto upang matulungan ang Adelaide 36ers na lalong umangat sa team standings ng 2022-2023 National Basketball League sa Australia.
Matapos mangitlog sa 78-75 panalo nila kontra sa Cairns Taipans kamakalawa, hindi magpapaawat si Sotto sa hangaring makapag-ambag sa 36ers laban sa reigning champion na Sydney Kings sa kanilang homecourt sa Qudos Bank Arena.
Aarangkada ang duwelo sa alas-11 ng umaga (Manila time) para sa misyon ng Adelaide na masikwat ang ikatlong sunod na panalo sakay ng pambihirang comeback win kontra sa Taipans.
Nasa No. 4 spot ngayon ang 36ers hawak ang 6-5 kartada at kung makakalusot sa segundang Kings (8-3) ay aangat hanggang tersera para makatabla ang Taipans (7-5).
Upang magawa ito ay kakailanganin ni coach CJ Bruton ang pagbabalik ng magilas na performance ng 7-foot-3 Filipino sensation matapos ang scoreless game laban sa Cairns.
Naatasan namang bumandera ulit sa opensa ng Adelaide ang mga betaranong sina Antonius Cleveland, Robert Franks, Daniel Johnson at Mitch McCarron.
Si Cleveland ang bumida sa panalo ng 36ers sa Taipans sa naiskor niyang 23 points, habang may 15 at 10 markers sina Franks at Johnson, ayon sa pagkakasunod.
Humakot naman ng 7 points, 6 rebounds, 2 assists, 3 steals at 2 blocks si McCarron.
Kung lulusot ulit sa Sydney ay lalakas lalo ang pag-asa ng Adelaide na makapasok sa playoffs matapos kapusin sa pang-pitong puwesto noong nakaraang season na siyang naging international pro league debut ni Sotto.
- Latest