Blackwater lusot sa San Miguel
MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Blackwater mula sa 15-point deficit para takasan ang San Miguel, 109-106, sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Isinalpak ni Baser Amer ang krusyal na three-point shot sa huling 32 segundo, habang ang layup ni Mike Ayonayon ang sumelyo sa ikalawang panalo ng Bossing sa apat na laro.
Kabiguan kaagad ang sumalubong sa unang laro ng Beermen na ipinarada ang bagong import na si Diamond Stone kapalit ni NBA veteran Thomas Robinson.
“Sabi ko nga sa huddle, this is the best time to beat San Miguel because they are still struggling, bago ang import,” wika ni Blackwater coach Ariel Vanguardia.
Nagmula ang Bossing sa 102-105 kabiguan sa NLEX Road Warriors kung saan nila sinayang ang hawak na 16-point lead.
“It’s the best time to bounce back because we got embarrassed the last game,” dagdag pa ni Vanguardia.
Kumolekta si import Cameron Krutwig ng triple-double na 20 points, 18 rebounds at 10 assists para sa Blackwater.
Humakot si six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 23 points, habang may 20 markers si Stone mula sa malamyang 7-of-23 field goal shooting.
Bumangon ang Bossing mula sa 64-79 pagkakabaon sa third period bago agawin ang 107-106 abante sa huling 32 segundo galing sa triple ni Amer.
Sa posesyon ng Beermen ay naagaw ni Ayonayon ang pasa ni CJ Perez para kay Stone para sa final score.
Tumapos si Amer na may 16 points, habang may 10 markers si Ayonayon mula sa bench.
Nagdagdag si Troy Rosario ng 13 points kasama ang walo sa final canto para sa Blackwater.
Samantala, isinalpak ni Paul Lee ang dalawang free throws sa huling apat na segundo para tulungan ang Magnolia na maitakas ang 94-92 panalo sa TNT Tropang Giga.
Kumamada si Calvin Abueva ng 25 points, 9 rebounds, 3 assists at 2 steals para sa 3-0 record ng Hotshots at sosyohan ang guest team na Bay Area Dragons sa liderato.
Tumipa si import Cameron Oliver ng 43 markers para sa Tropang Giga.
- Latest