Eala patuloy ang pag-inspeksyon sa mga pasilidad
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagbisita ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Noli Eala sa mga pasilidad sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Ito ay para sa pagbabalik-ensayo ng mga national athletes bilang preparasyon sa mga lalahukang international tournaments kagaya ng 32nd Southeast Asian Games at 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa susunod na taon.
Kahapon ay dumalaw si Eala sa Medical Scientific Athlete Services (MSAS) Building at nakasama sina Dr. Randy Molo, Dr. Janis Ann Espino De Vera, Dr. Karen Trinidad, Dr. Victor Felix Gaddi at MSAS Administrator Nurse Sherwin Tan.
Ang PSC-MSAS ang nagbibigay ng free services at consultations mula sa psychology, physiology, strength and conditioning, nutrition hanggang sa massage para sa mga miyembro ng Team Philippines.
Binuksan na rin ng PSC ang quarters ng national sepak takraw team sa RMSC.
“Pilipinas Sepak takraw national team slowly easing their way back to Rizal Memorial Sports Complex as they resume regular training in preparation for a very busy 2023 games,” ani sepak takraw federation chief Karen Tanchanco-Caballero.
Nagtungo rin si Eala sa world-class facilities na New Clark City sports complex at binisita rin ang National Academy of Sports.
Kamakailan ay nagsagawa ang PSC ng pagbibigay ng booster shots sa kanilang mga empleyado at sa mga national athletes at coaches.
- Latest