Dragons sinolo ang liderato
MANILA, Philippines — Nagposte ang Phoenix ng 16-point lead sa second period.
Ngunit hindi ito sapat para talunin ang guest team na Bay Area Dragons.
Humugot si import Myles Powell ng 22 sa kanyang 32 points sa second half para pamunuan ang Dragons sa 101-91 pagsunog sa Fuel Masters at solohin ang liderato ng 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag si Hayden Blankey ng 15 markers at may tig-14 points sina Duncan Reid at Glen Yang para sa 3-0 record ng Bay Area.
“My teammates, my coaches, they believed in me. They believed in me putting the ball in my hands,” sabi ni Powell na umiskor lamang ng 10 points sa first half bago humataw sa second half.
Tumipa si Jayvee Mocon ng 22 points para sa 0-3 baraha ng Phoenix.
Inilista ng Fuel Masters ang 41-25 abante sa 6:13 minuto ng second quarter mula sa basket ni Wesson bago naagaw ng Dragons ang 42-41 halftime lead matapos ang 17-0 atake.
Bumida si Powell sa third canto nang ilista ng Bay Area ang 74-59 bentahe sa huling 41.1 segundo kasunod ang kanilang komprontasyon ni Phoenix coach Topex Robinson.
Pareho silang tinawagan ng technical foul.
Nagpilit makalapit ang Fuel Masters sa 86-94 agwat sa huling 2:01 minuto ng fourth period galing sa triple ni Tio matapos mabaon sa 70-89.
Iniskor naman ni Reid ang huling lima sa pitong puntos ng Bay Area para muling makalayo sa 101-91 sa natitirang 38.6 segundo at selyuhan ang kanilang panalo.
- Latest