Diamante 6 na ginto ang pinalubog sa COPA swim meet
MANILA, Philippines — Hinirang si Nicola Queen Diamante bilang ‘most bemedalled’ swimmer’ matapos angkinin ang anim sa pitong events na nilahukan sa pagtatapos ng 1st Novice Swim Championship kahapon sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.
Dinomina ng pambato ng RSS Dolphines Swim Team ang girls’ 11-yrs old class A 25-meter freestyle (14.30 segundo), butterfly (14.80), backstroke (16.30), breastroke (21.40), 50-meter freestyle (30.40) at 100m Individual medley (1:29.40).
Bigo si Diamante na makumpleto ang sweep sa grassroots development program ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) na pinamumunuan ni Batangas 1st District Rep. Eric Buhain at suportado ng Speedo nang matalo kay Alex Pasia ng Sharknado Swimming Team sa 100m freestyle.
Nagposte si Pasia ng bilis na 45.80 segundo kumpara sa 1:09.10 ni Diamante.
“Masayang-masaya po ako at nagpapasalamat sa COPA dahil tuluy-tuloy ang tournament nila sa mga batang katulad ko,” sabi ni Diamante.
Sa nakaraang Reunion swimfest ng COPA ay tinanghal din si Diamante na top swimmer mula sa nakamit na apat na gold medals sa Class A 100m butterfly (1:21.30); 100m backstroke (1:24.70), 100m freestyle (1:11.00) at 200m back (3:04.90).
Inaasahan ni COPA Board member Chito Rivera ang malaking partisipasyon ng mga public school students at planong doblehin ang bilang ng mga kalahok sa Reunion 3rd leg swim challenge sa Oktubre 22-23.
Nakalinya rin ang Sprint meet sa pagpapakilala ng SKINS Swim event sa Nobyembre 12 at 13 at ang Short Course Yuletide Swimming Championship sa Disyembre 10 at 11
- Latest