Adalem-St. Clare inangkin ang huling semis spot
MANILA, Philippines — Inangkin ng No. 3 Adalem Construction-St. Clare ang ikaapat at huling semifinals berth matapos lusutan ang No. 6 Builders Warehouse-UST, 90-87, sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si NAASCU MVP Johnsherick Estrada ng 20 points, 5 rebounds at 3 assists sa pagsibak ng Saints sa Growling Tigers sa kanilang quarterfinals knockout game.
Lalabanan ng Adalem-St. Clare ang No. 2 EcoOil-La Salle habang magtutuos ang No. 1 Apex Fuel-San Sebastian at No. 4 Marinerong Pilipino sa best-of-three semifinals series na magsisimula bukas.
Tumipa si Nic Cabanero ng 19 points, 6 rebounds, 3 steals at 2 assists sa pagbandera sa Builders Warehouse-UST habang may 17 markers si rookie Kean Baclaan.
Inilista ng Adalem-St. Clare ang 82-70 abante sa huling apat na minuto ng fourth quarter.
Sa likod ni Baclaan ay nakabangon at nakadikit ang Builders Warehouse-UST sa 87-90 agwat sa natitirang 15.6 segundo.
Natawagan ang Saints ng five-second inbound violation, ngunit bigo si Baclaan na maipasok ang kanyang desperadong three-point attempt sa huling posesyon ng Growling Tigers.
- Latest