Obiena lumundag ng bronze sa Silesia leg
MANILA, Philippines — Muling nagningning si Filipino Olympian pole vaulter Ernest John Obiena matapos makahirit ng tansong medalya sa Silesia leg ng Diamond League sa Poland.
Sariwa pa si Obiena sa makasaysayang pagkopo ng tansong medalya sa 2022 World Athletics Championships sa Eugene, Oregon sa Amerika kung saan nagtala siya ng panibagong Asian record na 5.94 metro.
Subalit walang balak ang Pinoy bet na magpahinga matapos umarangkada sa Poland meet para makasiguro ng panibagong podium finish.
Nagrehistro si Obiena ng 5.73 metro para angkinin ang tansong medalya.
Naglista rin si World No. 11 Sondre Guttormsen ng Norway ng parehong 5.73m.
Subalit naibulsa ng Norwegian ang pilak na medalya matapos makuha ang naturang marka sa kanyang first attempt.
Kinailangan pa ni Obiena ng tatlong attempts bago maisumite ang 5.73m dahilan para magkasya lamang siya sa tanso.
Hindi naman maawat si world record-holder Armand Duplantis ng Sweden matapos kumana ng 6.10m para angkinin ang gintong medalya.
Kapos lamang siya ng .11 metro sa kanyang world record na 6.21m na nakuha sa World Athletics Championships.
Pumang-apat si Piotr Lisek ng host Poland tangan ang 5.63m, habang nasa ikalimang posisyon si World No. 2 at World Championships silver medalist Chris Nilsen ng Amerika na may 5.53m.
- Latest