NU lusot sa Ateneo
MANILA, Philippines — Mabilis na nakabalikwas ang National University sa mabagal na simula upang pabagsakin ang reigning champion Ateneo de Manila University, 18-25, 25-20, 25-19, 25-18, sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanatiling malinis ang rekord ng Lady Bulldogs tangan ang imakuladang 9-0 marka para mapatatag ang kapit sa liderato.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng NU upang pormal na masungkit ang unang tiket sa Final Four.
Bida si rookie Mhicaela Belen nang kumana ito ng triple-double na 19 points, 21 excellent receptions at 10 digs para manduhan ang opensa at depensa ng Lady Bulldogs.
Solido rin ang produksyon ni team captain Princess Robles na nagtala ng 16 hits habang gumawa naman si opposite spiker Alyssa Solomon ng 14 markers.
Nagtala ng pinagsamang 46 attacks sina Belen, Robles at Solomon — mas marami pa sa 41 attacks na nagawa ng lahat ng players ng Lady Eagles.
“Siguro wake up call din sa amin ‘to na kailangan maglaro kami nang maayos, kailangan pag- hirapan namin every point, siguro every set kasi hindi kami puwedeng maging complacent sa situation ngayon,” ani NU head coach Karl Dimaculangan.
Sa unang laro, nanaig ang Adamson University sa University of the East, 25-16, 25-14, 25-9, upang palakasin ang tansa nito sa Final Four.
Gumanda ang baraha ng Lady Falcons sa 5-4 samantalang sibak na ang Lady Warriors na wala pa ring panalo sa siyam na laro.
- Latest