Boston dinala ang serye sa 2-2

Nag-unahan sa rebound sina Heat star Bam Adebayo at Al Horford ng Celtics sa Game 4.

BOSTON — Nagtala si Jayson Tatum ng 31 points para pangunahan ang arangkada ng Celtics sa first period patungo sa 102-82 pagpapalamig sa Miami Heat sa Game Four ng Eastern Conference finals.

Itinabla ng Boston sa 2-2 ang kanilang best-of-seven series ng Miami na nanaig sa Game Three.

“Obviously, we knew how important this game was,” wika ni Tatum na naglista rin ng 8 rebounds at 5 assists. “Everybody just had to come up with a different sense of urgency.”

Nag-ambag si Payton Pritchard ng 14 points at may 13 at tig-12 markers sina Derrick White, Jalen Brown at Robert Williams, ayon sa pagkakasunod.

Binuksan ng Celtics ang laro sa pagbitbit ng 26-4 bentahe na kanilang pinalobo sa 27 points sa second period at 32 points sa third quarter.

Naimintis ng Heat ang 15 sa una nilang 16 tira at nabaon sa halftime, 33-57.

Advertising
Scroll to continue

Tumapos si Bam Adebayo na may 9 points at nalimitahan sina All-Star Jimmy Butler at Kyle Lowry sa 6 at 3 markers, ayon sa pagkakasunod  habang hindi nakaiskor sina P.J. Tucker at Max Strus.

Hindi naglaro si Tyler Herro na nagkaroon ng groin injury sa Game Three.

Muling dadalhin ang Game Five sa Miami kung saan inaasahang babawi ang Heat sa Celtics para makalapit sa inaasam na pagbabalik sa NBA Finals.

Show comments