Kabiguan ng Gilas inako ni Reyes

MANILA, Philippines — Inako ni coach Chot Reyes ang buong sisi at res­ponsibilidad sa makasaysayang kabiguan ng Gilas Pilipinas kontra sa Indonesia kaya nakawala ang Southeast Asian Games gold medal sa unang pagkakataon sa loob ng lagpas tatlong dekada.

“Obviously that’s on me. I take full accountability and responsibility for the result. Like I said, they tried their best and that’s sports. That’s life. Sometimes, things don’t work out the way we played,” ani Reyes matapos ang dikit na 81-85 pagkatalo sa Indonesia.

Iyon ang unang basketball gold medal ng Indonesia sa SEA Games history kumpara sa Gilas na nagkasya lang sa silver medal sa unang pagkakataon simula 1989.

Sa kabuuan, 33 taon naghari ang Gilas sa SEA Games tampok ang 18 gintong medalya kabilang na ang ika-13 sunod na kampeonato.

Sa Hanoi, nagwakas na iyon sa kamay ng mga Indonesians na pinuri ni Reyes sa kanilang makasaysayang tagumpay.

“Our players played their best. Indonesia came up with a very good game plan. They shot well from the three-point line. In the end, we just couldn’t match it,” ani Reyes sa Indonesia team na ginagabayan ni program director at dati ring Gilas head coach Rajko Toroman.

Advertising
Scroll to continue

Nagkasya lang sa 4-1 kartada ang Gilas kumpara sa Indonesia, sa pangunguna ni dating NBA player Marques Bolden, na may malinis na 5-0 baraha.

Trahedya kung maituturing ang silat ng Gilas sa SEA Games lalo’t isang gintong medalya lang ang napanalunan ng bansa sa apat na basketball events matapos itong walisin noong 2019.

Tanging ang Gilas women’s 5-on-5 lang ang nanalo ng ginto sa biennial meet.

Show comments