Suns pinalubog ang Lakers

James nagtala ng NBA history
PHOENIX -- Humataw si Devin Booker ng 30 points habang nagtala si Deandre Ayton ng 23 points at 16 rebounds sa 140-111 pagmasaker ng NBA-leading Suns sa Los Angeles Lakers.
Naglista rin si Booker ng 10 assists at 4 steals at may 18 markers si Mikal Bridges para sa playoff-bound na Phoenix (54-14).
Binanderahan ni LeBron James ang Los Angeles (29-38) sa kanyang 31 points, 7 rebounds at 6 assists at hindi na naglaro sa fourth quarter.
Hinirang din si James bilang unang player sa NBA history na naglista ng 30,000 points, 10,000 rebounds at 10,000 assists.
Kumamada ang Suns ng season-high 79 points sa first half para itayo ang 23-point lead at tuluyang ipalasap sa Lakers ang ika-10 sunod na kabiguan sa road games.
Sa Orlando, humakot si Joel Embiid ng 35 points at 16 rebounds para tulungan ang Philadelphia 76ers (41-25) sa 116-114 overtime win sa Magic (18-51).
Isinalpak ni James Harden ang isang free throw sa huling 6.7 segundo sa overtime para sa two-point lead ng Philadelphia kasunod ang mintis na triple ni Cole Anthony sa panig ng Orlando.
Sa New York, kumamada si Kevin Durant ng season-high 53 points sa 110-107 paglusot ng Brooklyn Nets (35-33) sa Knicks (28-40).
Sa Detroit, umiskor si Marcus Morris ng 31 points sa 106-102 pagdaig ng Los Angeles Clippers (36-34) sa Pistons (18-50).
Sa iba pang laro, umeskapo ang Dallas Mavericks sa Boston Celtics, 95-92; wagi ang Atlanta Hawks sa Indiana Pacers, 131-128; at tinalo ng New Orleans Pelicans ang Houston Rockets, 130-105.
- Latest