GAB tutulong sa mga pro leagues

MANILA, Philippines — Ipinahayag ng Games and Amusements Board (GAB) ang buong suporta nito sa mga professional leagues at athletes sa kabila ng pansamantalang pagtigil ng ilang liga bunsod ng implementasyon ng mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.

Ayon kay Chairman Baham Mitra, mananatiling nasa likod ng mga pro leagues sa bansa ang GAB at nangako ng anumang maitutulong sa gitna pa rin ng hamon ng pandemya.

“GAB assures pro athletes and officials our full support. We are always ready to assist you despite all the setbacks brought by this pandemic,” ani Mitra.

Suportado rin ng GAB ang pagsuspindi ng PBA ng 2021 Philippine Cup simula noong Miyerkules habang umiiral ang ECQ simula ngayon hanggang Agosto 20 at ang planong ipagpatuloy muna ang mga laro  sa Batangas mula sa Ynares Arena sa Pasig depende sa go-signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) .

Ilan pa sa apektadong pro leagues na tigil-aksyon din muna ay ang NBL at WNBL sa Pampanga habang naurong ang golf tournaments ng PGTI at boxing events ng Elorde Promotions.

Tuluy-tuloy naman ang mga laro ng Pilipinas VisMin Super Cup at PVL na nasa ilalim ng istriktong bubble set-ups sa Zamboanga del Sur at Ilocos Norte, ayon sa pagkakasunod.

Show comments