Creamline nakaligtas sa Black Mamba
MANILA, Philippines — Naitakas ng reigning champion Creamline ang 20-25, 25-15, 25-27, 25-19, 15-13 pukpukang panalo laban sa Black Mamba-Army upang mapanatiling malinis ang rekord nito sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Muling nasandalan ng Cool Smashers si team captain Alyssa Valdez na siyang kumana ng dalawang huling puntos ng tropa para makuha ang ikatlong sunod na panalo.
Nakabaon ang Creamline sa 4-9 iskor sa fifth set nang pakawalan nito ang 9-3 run tampok ang off-speed shot ni Tots Carlos para maagaw ang kalamangan sa 13-12.
Nakatabla pa ang Lady Troopers sa 13-all mula sa sariling off-speed attack ni Christine Francisco.
Subalit isang down-the-line hit ang pinakawalan ni Valdez kasunod ng solidong block para iselyo ang panalo sa Cool Smashers.
Samantala, pormal nang masisilayan sa aksiyon ang Perlas Spikers matapos mag-negatibo sa swab test ang lahat ng players nito.
- Latest