Ni hindi inakala ni Valdez ang Olympics
MANILA, Philippines — Hindi inisip ni national shooter Jayson Valdez na mabibigyan siya ng tiket para sa 2021 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan sa susunod na buwan.
Sa katunayan ay plano na ni Valdez na pumasok sa Philippine Army.
“January pa lang, naka-focus na sa isip ko to go to the Army,” litanya ng 25-anyos na shooter. “Not necessarily na iwan iyong pagiging atleta, pero gusto ko ring makapag-provide sa family ko.”
Swak si Valdez sa quota system ng men’s air rifle 10-meter event ng 2021 Tokyo Olympics dahil sa kanyang minimum qualifying scores (MQS) mula sa mga nilahukang World Cup at Asian qualifying tournaments.
Si Paul Brian Rosario ang huling shooter na kumatawan sa bansa sa Olympics noong 2012 edition sa London bilang wild card entry sa men’s skeet event.
Ayon kay Valdez, hindi siya nagpapabaya sa kanyang pag-eensayo lalo na at kakampanya siya sa Tokyo Olympics.
“Iyong physical conditioning, iyon ang nagi-ging sandalan ko ngayon kasi kahit na limitado iyong actual training, solid naman iyong mga nagiging performance ko,” sabi ni Valdez.
Ang tatay niyang si Julius Valdez ay isang three-time Southeast Asian Games champion na nanalo ng tatlong gold at isang silver medal noong 1987 edition.
Sasabak din sa Tokyo Olympics sina weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando, skateboarder Margielyn Didal, gymnast Carlos Edriel Yulo, taekwondo jin Kurt Barbosa, rower Cris Nievarez at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
- Latest