Malonzo, Rike OK na sa NorthPort
MANILA, Philippines — Naselyuhan na ng NorthPort ang serbisyo ng top rookies nito na sina Jaime Malonzo at Troy Rike matapos ang contract signing kahapon.
Maximum rookie deal na tatlong taon ang pinirmihan ni Malonzo habang dalawang taon naman ang kay Rike upang gawing pormal ang pagiging Batang Pier nila simula sa nalalapit na PBA Season 46.
Pinangunahan ni NorthPort team manager Bonnie Tan ang signing kasama sina PJ Pilares, agent ni Malonzo at manager ni Rike na si Marvin Espiritu.
Napili ng Batang Pier bilang No. 2 overall pick si Malonzo habang 11th pick naman si Rike sa makasaysayang 2021 PBA Rookie Draft noong Marso 14.
Inaasahan ang malaking tulong ng dalawang freshmen sa koponan ni coach Pido Jarencio bunsod ng kalibre at karanasan nila bago umakyat sa PBA.
Miyembro ng UAAP Mythical Team para sa La Salle ang 6-foot-8 na si Malonzo bago tulungan ang Mighty Sports Philippines sa kampeonato ng 2020 Dubai International Basketball Championship.
Si Rike na 6-foot-8 din, ay produkto naman ng National U bago kumatawan sa bansa at Chooks-to-Go Pilipinas sa iba’t ibang FIBA 3x3 tournaments.
Sasamahan ng dalawa ang pinalakas ng Batang Pier sa pangunguna ng nagbabalik na sina Robert Bolick at Sean Anthony mula sa injuries gayundin ng mga beteranong sina Jervy Cruz, Nico Elorde, Paolo Taha, Kevin Ferrer at Garvo Lanete.
Bukod sa dalawang rookies, bagong mukha rin sa NorthPort sina Greg Slaughter, Sydney Onwubere at Clint Doliguez matapos ang dalawang trades nitong offseason sa Ginebra at Rain or Shine.
- Latest