Eala umangat sa WTA ranking
MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, umakyat si Pinay tennis sensation Alex Eala sa pinakabagong Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Umakyat sa No. 662 ang 15-anyos na si Eala mula sa pagiging No. 715 noong nakaraang linggo matapos ang impresibong kampanya sa W60 Bellinzona tournament sa Switzerland. Sinimulan ni Eala ang taon sa pagiging WTA No. 1185.
Sa kanyang unang $60,000 International Tennis Federation (ITF) tournament sa W60 Bellinzona ay umabante si Eala sa round-of-16 kung saan siya nakatikim ng 5-7, 6-3, 2-6 kabiguan kay WTA No. 284 Simona Waltert ng Switzerland.
Nauna nang pinahiya ni Eala sina WTA No. 323 Margot Yerolymos ng France, 7-6 (6), 6-2 sa first round at WTA No. 206 Laura-Ioana Paar ng Romania, 6-7 (6), 6-1, 6-0, sa second round. Naipanalo ni Eala ang 14 sa kanyang 21 matches ngayong taon.
- Latest