
Eala pasok sa 2nd round
MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ni Filipino tennis star Alex Eala ang kanyang mainit na kampanya sa W60 Bellinzona matapos ang come-from-behind 6-7 (6), 6-1, 6-0 win kay Laura-Ioana Paar ng Romania sa second round sa Bellinzona, Switzerland.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na tinalo ng 15-anyos na si Eala, ang Women’s Tennis Association (WTA) No. 715 player, ang 32-anyos at WTA No. 206 na si Paar matapos noong W25 Grenoble opener.
“So happy to win my match today. Thank you for continuing to cheer me on! #LexGo,” sabi ni Eala sa kanyang Facebook post matapos ang panalo kay Paar.
Matapos isuko ang first set ay humataw naman si Eala sa second at third set para patalsikin si Paar at isama sa nauna niyang biktimang si WTA No. 323 Margot Yerolymos ng France sa first round.
Tinapos ni Eala, ang ITF Juniors World No. 3 player, ang kanilang second round match ni Paar sa loob ng isang oras at 16 minuto.
Sa third round ay lalabanan ng iskolar ng Rafael Nadal Academy si WTA No. 284 Simona Waltert ng Switzerland sa nasabing $60,000 International Tennis Federation (ITF) tournament.
Ito ang ikatlong paghaharap nina Eala at Waltert matapos sa first leg ng W15 Manacor kung saan nagwagi ang Pinay netter, habang nakabawi ang Swiss sa second round ng three-leg tournament sa Spain.
- Latest