Magno, Philippine boxers pinaghahandaan ang sparring

MANILA, Philippines — Ang magkakasamang pagpapakondisyon ang unang ginawa ng national boxing team bago simulan ang kanilang sparring session sa loob ng ‘bubble’.

Inaasahan ni flyweight Irish Magno, isa sa apat na national athletes na mayroon nang tiket sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan, na sa susunod na linggo gugulong ang kanilang sparring.

“Nag-start na iyong training namin pero hindi ko lang po alam kung may sparring kami kasi kakasimula lang din po kasi (training),” wika ni Magno sa pa-nayam ng PM Sports.

Maliban kay Magno, ang tatlo pang sasabak sa Tokyo Olympics sa Hulyo ay sina middleweight Eumir Felix Marcial, pole vaulter Ernest John  Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo.

Kasalukuyang nagsasanay sina Marcial, Obiena at Yulo sa United States, Italy at Japan, ayon sa pagkakasunod.

 Kasama ni Magno sa kuwarto sa ‘bubble’ sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna sina Olympic hopefuls Nesthy Petecio at Analene Cellon.

Si Petecio, ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist, ang may malaking pag-asang makasuntok ng pang-limang Olympic spot.

Ito ay dahil nakuha ng 28-anyos na tubong Santa Cruz, Davao del Sur ang gold medal sa AIBA Women’s World Championship noong 2019 kung saan sumabak ang mga bigating women boxers sa buong mundo.

Nabigo si Petecio na makamit ang Olympic slot matapos yumukod kay Japanese Sena Irie sa quarterfinals ng Asia-Oceania Boxing Olympic Qualifiers sa Amman, Jordan.

Bukod sa national boxing team, nasa ‘bubble’ rin ang mga national squads ng taekwondo at karatedo na naghahangad din ng Olympic berth.

Show comments