Unang kalaban ni Pacquiao ngayong 2021 ihahayag na

MANILA, Philippines — Anumang araw ngayong linggo, ilalabas na ng kampo ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang pangalan ng makakalaban nito sa kanyang pagbabalik-aksiyon ngayong taon.

Mismong si Pacquiao ang nagkumpirma na pinaplantsa na lamang ang ilang mga bagay bago tuluyang isiwalat ang kabuuan ng detalye. “Ipa-finalize na namin this week. Kapag na-finalize na saka namin ia-announce kung sino ang makakalaban (ko sa next fight),” anang reigning World Boxing Association (WBA) welterweight king.

Tinukoy ni Pacquiao sina International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Council (WBC) welterweight king Errol Spence Jr. at reigning World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford sa mga kandidato. “Kahit sino naman (lalabanan ko). Nandiyan sina Crawford at Spence,” ani Pacquiao.

Nabanggit din ang pangalan ni WBC interim lightweight champion Ryan Garcia na naglabas ng poster kamakalawa ng dream fight nito kay Pacquiao.

Ngunit nilinaw ni Pacquiao na kung matutuloy ang laban kay Garcia, posibleng isang exhibition match lang ito. “Nandiyan din si (Ryan) Garcia pero parang exhibition lang ‘yan, 22 years old pa lang parang anak ko na ‘yan. Pero ok lang ‘yan parang ako ang professor (niya),” biro pa ni Pacquiao.

Hindi nabanggit ang pangalan ni Ultimate Fighting Championship superstar Conor McGregor na pinakamaingay sa posibleng makalaban ni Pacquiao.

Sa katunayan, nagsabi  na ang kampo ni Irish fighter na nasa 85 hanggang 90 porsiyento na itong kasado subalit tumamlay ang planong Pacquiao-McGregor fight matapos matalo si McGregor kay Dustin Poirier via second-round knockout noong Linggo sa Abu Dhabi.

Show comments