Bolts umeskapo
MANILA, Philippines — Kinailangan ng Bolts ng ekstrang limang minuto para makamit ang panalo.
Humugot si Chris Newsome ng pito sa kanyang 23 points sa overtime para ilusot ang Meralco laban sa Magnolia, 109-104, sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.
Nakabangon ang Bolts mula sa nakaraang kabiguan para itala ang 2-2 baraha habang nalaglag ang marka ng Hotshots sa 1-3 sa PBA ‘bubble’.
“We just want to come out play with a lot of energy, play with a lot of heart,” sabi ni Newsome na nagdagdag ng 7 rebounds, 6 assists at 2 blocks.
Matapos makahirit ng extension ang Magnolia sa 94-94 ay nagtuwang sina Newsome at Cliff Hodge para ilayo ang Meralco sa 104-100 abante sa huling 1:24 minuto.
Huling nakadikit ang Hotshots sa 104-105 mula sa basket ni Mark Barroca sa 48.3 segundo ng laro kasunod ang tirada ni Newsome para sa 107-104 bentahe ng Bolts sa nalalabing 9.5 segundo ng bakbakan.
Naging dikitan ang laban sa first half kung saan nagtabla sa halftime, 46-46, ang dalawang koponan bago nag-apoy ang mga kamay ni Paul Lee sa ginawang 9-0 atake para sa 55-52 abante ng Magnolia bago nakatabla ang Meralco sa 67-67 sa third period.
Nakatabla naman ang Hotshots sa 94-94 buhat sa apat na free throws nina Barroca at Lee para dalhin ang Bolts sa over- time.
- Latest