Ancajas naiinip na sa US
MANILA, Philippines — Walang sinasayang na oras si Filipino world super flyweight champion Jerwin Ancajas sa United States habang hinihintay na maitakda ang kanyang title defense.
Sa nirentahang apartment sa Los Angeles, California, nakipag-spar si Ancajas sa kababayang si Jonas Sultan.
Bagama’t medyo tumaba ay ipinakita naman ni Ancajas, ang kasalukuyang International Boxing Fe-deration (IBF) super flyweight king, ang kanyang lakas at bilis sa pakikipag-spar kay Sultan.
Dati nang tinalo ng 28-anyos na si Ancajas ang Cebuanong si Sultan via unanimous decision noong Mayo, 26, 2018 sa Save Mart Arena, Fresno.
Si Sultan (16-5-0, 10 KOs) ang magsisilbing sparring partner ng tubong Panabo City, Davao del Norte, ayon kay trainer/manager Joven Jimenez.
Itataya ni Ancajas (32-1-1, 22 KOs) ang kanyang suot na IBF super flyweight crown laban kay Mexican challenger Jonathan Javier Rodriguez (21-1-0, 15 KOs).
Sinabi ni Jimenez na inaasahan nilang makakapagtakda na ng petsa si Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa pang-siyam na title defense ni Ancajas.
Ayon kay Sean Gibbons, ang pangulo ng MP Promotions ni world eight-division champion Manny Pacquiao, posible ring hamunin ni Ancajas si World Boxing Association (WBA) super flyweight titlist Joshua Franco (17-1-2, 8 KOs) ng US..
Kasama rin nina Ancajas, Sultan at Jimenez sa nasabing apartment si Olympic Games-bound Eumir Felix Marcial.
Nagsasanay ang 24-anyos na si Marcial sa Wild Card Boxing Club ni Hall of Fame trainer Freddie Roach bilang paghahanda sa kanyang professional debut sa Nobyembre.
- Latest