Yulo bronze sa vault
MANILA, Philippines — Sa kanyang unang pagsalang sa isang kompetisyon matapos ang 30th Southeast Asian Games sumablay ang Pinoy gymnast na si Carlos Edriel Yulo sa kanyang paboritong event na floor exercise ngunit nagawa niyang maka-bronze sa vault event ng 53rd All Japan Senior Masters Gymnastics Championships sa Takasaki, Japan.
Ito ang unang nilahukang torneo ng 20-anyos na si Yulo matapos humakot ng dalawang gold at limang silver medals noong 2019 SEA Games na pinamahalaan ng Pilipinas.
Tumapos sa ikatlong puwesto si Yulo sa nasabing event katabla si three-time world champion Kenzo Shirai sa magkatulad nilang 14.733 points.
Sina 2016 Rio Olympic Games bronze medalist Wataru Kanigawa at Keisuke Asato ang umangkin sa gold medal sa magkapareho nilang 14.900 points.
Pumuwesto sa ika-19 sa floor exercise si Yulo sa kanyang 13.966 points kasama sina Tatsuki Tanaka at Kentaro Yunoki ng Japan.
- Latest