PSC, POC inihahanda ang balik training
MANILA, Philippines — Kahit nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna ay patuloy ang pagtatrabaho ng Philippine Sports Commission (PSC) para makabalik sa training ang mga atleta.
Sinabi ni PSC Commissioner Charles Raymond Maxey na nakikipagtulungan sila sa Philippine Olympic Committee (POC) at kay 2021 Olympic Games Chef De Mission Mariano ‘Nonong’ Araneta para sa ilalatag na health at safety protocols ng mga National Sports Associations (NSA)s.
Ito ay sa sandaling payagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Di-seases (IATF) ang pagbabalik-ensayo ng mga national athletes lalo na ang mga sasabak sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan.
“The PSC and POC together with CDM No-nong Araneta are working closely to prepare the needed health protocols for the resumption of training, especially those who have already qualified for Tokyo (Olympics) and those who are bound for qualifying events,” wika ni Maxey. “In the meantime during MECQ, we just have to stay home,” dagdag pa ng PSC Commissioner.
Ilang NSAs na may mga atleta nang may tiket sa Tokyo Olympics at mga Olympic hopefuls ang nagsumite kay Araneta ng kani-kanilang safety guidelines para makabalik sa training.
Ang mga ito ay ang boxing, judo, karate, taekwondo, wrestling, athletics, archery, canoe kayak, cycling, fencing, gymnastics, rowing, skateboarding, triathlon at weightlifting.
Nauna nang nakakopo ng Olympic berth sina boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno, pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo.
Noong Hulyo 27 ay inilabas ng PSC, Games and Amusements Board (GAB) at Department of Health (DOH) ang Joint Administrative Order (JAO) para sa pagbabalik sa training at conditioning ng Philippine Basketball Association (PBA), Phi-lippine Football League (PFL) at Chooks-to-Go 3x3 national team.
Subalit dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 ay inilagay ng Malacañang sa MECQ ang NCR at mga karatig-lugar.
- Latest