Kawhi ‘di kasabay ng LA Clippers
MANILA, Philippines — Hindi sumabay si Kawhi Leonard sa LA Clippers sa pagbiyahe patungong Orlando, Florida para sa 22-team NBA season restart sa Disney Resort nitong Miyerkules dahil may asikasuhin na importanteng bagay sa pamilya, ayon sa ulat ng ESPN.
Pinayagan ng Clippers si Leonard na maiwan at inaasahang susunod din agad ayon naman sa ulat ng Yahoo.com.
Dumating sa ESPN Wide World of Sports resort ang Clippers, contender para sa NBA championship sa kanilang 44-20 record, nitong Miyerkules gayundin ang Dallas Mavericks, New Orleans Pelicans, Memphis Grizzlies, Sacramento Kings, Boston Celtics, Miami Heat at Oklahoma City Thunders.
Nauna nang dumating noong Martes ang Orlando Magic, Utah Jazz, Denver Nuggets, Washington Wizards, Phoenix Suns at Brooklyn Nets.
Ang huling walong teams na Houston Rockets, Indiana Pacers, LA Lakers, Milwaukee Bucks Philadelphia 76ers, Portland Trail Blazers, San Antonio Spurs at Toronto Raptor ay darating nitong Huwebes.
Nangunguna si Leonard sa Clippers, 5.5 games lang ang layo sa LA Lakers para sa top seeding ng Western Conference, sa kanyang 26.9 points, 7.3 rebounds at 5.0 assists average sa 51 games ngayong season.
Quarantine muna ang lahat bago simulan ang training camps kasunod ang scrimmages sa July 22-29 bago simulan ang regular games sa July 30.
- Latest