Watanabe pasok na sa Olympics?
MANILA, Philippines — Sa pananalita ni Philippine Judo Federation (PJF) president Dave Carter ay isa nang continental quota qualified si national judoka Kiyomi Watanabe para sa 2021 Olympic Games sa Tok-yo, Japan.
Kasalukuyang may world ranking na No. 21 ang Filipino-Japanese star na nagpalakas sa kanyang pag-asang pormal na makapaglaro sa 2021 Tokyo Olympics.
“We are waiting for the official announcement from the IF (International Federation) na ito ang mga qualified. Si Kiyomi kapag ngayon nag-cut off pasok na siya eh,” wika ni Carter kay Watanabe. “Right now, considered siya na continental quota qualified.”
Ang top 18 judokas ang makakasama sa Olympic cut ngunit kung makakansela ang mga qualifying tournaments ay inaasahang madaragdagan ang bilang ng mga qualifiers.
Dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay hindi nakapagdesisyon ang International Judo Federation (IJF) noong Abril 30 kung itutuloy ang dalawa o higit pang mga qualifying events na nauna nang ipinagpaliban.
“Itong si Kiyomi, papasok iyan, magku-qualify iyan sa Olympics. The only thing that we are praying for right now is maging dalawa ‘yung ating representative,” ani Carter.
Bukod kay Watanabe, ang iba pang naghahangad ng Olympic slot ay sina Mariya Takahashi (women’s 70kg) at ang magkapatid na Shugen (men’s -66kg) at Kenzie Nakano (men’s 73kg).
May Olympic ticket na sina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers na sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno.
- Latest