Smith, James magkakasama uli
MANILA, Philippines — Napunan ng Los Angeles Lakers ang kanilang kakulangan sa backcourt matapos makipagkasundo kay JR Smith na kanilang makakasama sa NBA restart sa Disney Resort sa Orlando, Florida, ayon sa ulat ni Adrian Wojnarowski sa ESPN.
Nagbunga ang pagtambay sa Los Angeles ni Smith na hindi nakalaro sa anumang team ngayong season at ang kanyang huling kampanya ay sa Cleveland Cavaliers noon pang 2018-2019 season.
Reunion ito ni Smith at ng dati niyang Cleveland Cavaliers teammate na si LeBron James. Magkasama ang dalawa nang bumangon ang Cavs mula sa 3-1 deficit tungo sa unang NBA championship.
Sinabi naman ni Lakers coach Frank Vogel na hindi sila kukuha ng kapalit ni Dwight Howard para sa Orlando restart.
“We’ve been in communication with Dwight the whole way with supportive phone calls and text messages,” ani Vogel. “We don’t know what the level of participation is going to be yet. He wants to play. We’re hopeful that he’s able to join us.”
Kasalukuyang nasa Georgia si Howard kasama ang kanyang anak matapos mamatay ang nanay nito noong March 27 dahil sa epileptic seizure, alinsunod sa home quarantine at testing protocol ng NBA sa lahat ng players na sasama sa Orlando, ayon sa source ng ESPN.
Nag-post din ang Lakers sa Instagram ng litrato nina James, Anthony Davis at Alex Caruso na nag-work-out sa kanilang facility sa El Segundo, California.
- Latest