Tokyo Olympic Games tuloy kahit may COVID-19
TOKYO — Pinabulaanan ng mga organizers ng 2020 Tokyo Olympics ang ‘speculation’ na ang novel coronavirus epidemic ang maaaring magpakansela sa Summer Games.
Ito ay matapos ang panukala ng isang opisyal ng International Olympic Committee.
“Tokyo 2020 will continue to collaborate with all relevant organizations which carefully monitor any incidence of infectious diseases and will review any countermeasures that may be necessary with all relevant organizations,” wika ng local organizing sa isang official statement. “The rest is speculation.”
Ayon sa Tokyo Organizing Committee, ang countermeasures laban sa COVID-19 ay isang mahalagang bahagi ng kanilang mga plano para mapanatili ang kaayusan sa 2020 Tokyo Games.
Kinumpirma naman ng IOC ang patuloy na preparasyon ng Tokyo organizers para sa pamamahala sa Olympics na nakatakda sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
“The IOC is in contact with the World Health Organization, as well as its own medical experts. We have full confidence that the relevant authorities, in particular in Japan and China, will take all the necessary measures to address the situation,” pahayag ng IOC.
Sa naunang panayam kay IOC member Dick Pound, sinabi niyang magiging krusyal ang mga susunod na linggo tungkol sa pagdaraos ng 2020 Tokyo Olympics dahil sa banta ng coronavirus.
Kamakalawa ay ipinag-utos ni Prime Minister Shinzo Abe sa mga organizers ng malalaking sporting at cultural events na kanselahin o ipagpaliban ang mga ito dahil sa banta ng COVID-19.
- Latest