UAAP itinakda ang mga nakanselang events
MANILA, Philippines — Unti-unti nang ibinabalik ng UAAP Board ang mga nakanselang events dahil sa coronavirus outbreak.
Inihayag kahapon ng UAAP na tuloy na ang judo, track and field, baseball at softball.
Base sa statement ng UAAP Board of Managing Directors na pirmado ni De La Salle University representative Emmanuel Calanog na miyembro ng naturang board, unang sasalang ang judo na idaraos sa Pebrero 29 hanggang Marso 1 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa hiwalay na anunsyo ay magsisimula naman ang baseball competition sa Marso 11 sa Rizal Memorial Stadium sa Malate, Manila kung saan masisilayan ang bakbakan ng Adamson University at University of Santo Tomas sa alas-7 ng umaga.
Susundan ito ng laban ng Ateneo de Manila University at National University, at La Salle at University of the Philippines.
Gaganapin naman ang softball sa Marso 12 sa parehong venue tampok ang duwelo ng Ateneo at UST sa alas-9 ng umaga, University of the East at La Salle sa alas-11 ng umaga at ng UP at NU sa ala-1 ng hapon.
Lalarga ang track and field event sa Marso 21 hanggang 25 sa Philsports Oval sa Pasig City.
Inaasahang isisiwalat na rin ng liga ang bagong schedule ng iba pang events.
- Latest