Schrock, pagdanganan pararangalan sa PSA
MANILA, Philippines — Idinagdag sina local football hero Stephan Schrock at lady golfer Bianca Pagdanganan sa mga tatanggap ng special awards mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA).
Si Schrock ang hinirang na Mr. Football at si Pagdanganan ang tatanggap ng kauna-unahang Ms. Golf award sa SMC-PSA gala night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Makakasama ang 33-anyos na si Schrock at ang 22-anyos na si Pagdanganan kina Ms. at Mr. Basketball Jack Animam at Thirdy Ravena, Ms. at Mr. Volleyball Sisi Rondina at Bryan Bagunas at Coach of the Year Pat Aquino sa mga gagawaran ng special awards ng pinakamatandang media organization sa bansa sa event na inihahandog ng Philippine Sports Commission, Milo, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia at Rain or Shine.
Dahil sa pagkopo sa overall title ng nakaraang 30th Southeast Asian Games ay hinirang ang Team Philippines bilang PSA Athlete of the Year.
Kasama si Pagdanganan sa matagumpay na kampanya ng bansa sa 2019 SEA Games.
Inangkin ni Pagdanganan ang gold medal sa women’s individual event at ang women’s team event katambal si Lois Kaye Go.
Nakamit din ni Pagdanganan, miyembro ng 2018 PSA Athlete of the Year kasama sina golfers Go at Yuka Saso, Hidilyn Diaz at Margielyn Didal, ang korona ng Hawkeye El Tigre Invitational sa Mexico noong nakalipas na taon.
Ito naman ang ikalawang pagkakataon na gagawaran si Schrock ng Mr. Football award matapos noong 2013.
Si Schrock ay ang midfielder ng Ceres team.
- Latest