Racraquin, Viray isinulong ang SBU
Fergus E. Josue Jr. (Pang-masa) - February 4, 2020 - 12:00am

MANILA, Philippines — Muling nagsabwatan sina Cesca Racraquin at Nieza Viray para banderahan ang San Beda Lady Red Spikers na makabalik sa win-column nang pahiyain ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-15, 25-16, 27-25 sa NCAA season 95 women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Bumirada uli ng double-double finish si Racraquin sa pagrerehistro  ng 22 points, mula sa 18 attacks, 3 aces at 1 kill blocks at may sahog pang 16 digs at 7 receptions habang may 13 markers si Viray.

Gumana rin ang middle blockers ng tropa na sina Kimberly Manzano at Trisha Paras na pumalo ng tig-7 puntos para makatulong na tapusin ang laro sa loob lamang ng 1 oras at 6 na minuto.

“Siyempre masaya (kami) kasi tapos na ‘yung tinatawag nilang slump, happy na, na-break na ‘yung slump na ‘yun and hopefully magtuloy-tuloy,” sabi ni Racraquin sa post-game interview.

Nasolo ulit ng Lady Red Spikers ang ikaapat puwesto sa team standings tangan ang 4-2 na baraha sa ilalim ng Arellano U (5-1), Perpetual Help (5-1) at CSB (6-0) at kailangang trabahuin ang natitira nilang laro para makalusot sa semifinals.

“Kinausap ko ‘yung mga seniors lalo na ‘yung mga last year na, so ayon kailangan talagang trabahuhin ‘yung mga remaining games para hindi dapat dito matapos kasi nandiyan na ‘yan, challenge sa amin ‘yun at sana matuluy-tuloy kami hanggang matapos ang season,” ani San Beda coach Nemesio Gavino.

Patuloy naman ang pagsadsad ng Lady Generals sa liga nang malasap ang ika-15 losing streak, mula pa noong season 94 para manatiling kulelat sa leaderboard ngayong season hawak ang 0-6 na baraha.

Samantala, naiposte ng Jose Rizal University Lady Bombers ang ikalawang sunod na tagumpay sa liga nang padapain nila sa loob ng three-straight sets ang Mapua University 25-18, 25-18, 31-39.

Nagtala ng 17 points, mula sa 15 attacks at 2 aces si Dolly Versoza at may sahog pa itong 10 excellent digs habang may 10 markers na ambag si Sydney Niegos para sa tropa.

NCAA SEASON 95
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with