Lady Blazers hahatawin ang ikatlong sunod na panalo laban sa Letran Lady Knights
MANILA, Philippines — Ikatlong sunod na panalo at ang solo liderato ang pupuntiryahin ng College of Saint Benilde Lady Blazers sa pagbangga sa Letran Knights sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Blazers at ang Lady Knights sa ganap na alas-12 ng tanghali na susundan ng bakbakan sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals at Mapua University Lady Cardinals sa alas-2 ng hapon.
Naiposte ng CSB ang ikalawang sunod nilang panalo noong Biyernes matapos takasan ang Lyceum Lady Pirates sa loob ng limang sets, 23-25, 25-23, 23-25, 25-18, 15-7, para sa makasosyo sa liderato ang Arellano Lady Chiefs.
Binandera ng dalawang rookies na sina Mycah Go at Gayle Pascual ang Lady Blazers sa tagumpay matapos nilang magposte ng double-digit finish.
Nagtala si Pascual ng 18 puntos at may 17 markers at 17 receptions naman si Go.
Aasahang muli ni head coach Jerry Yee ang dalawa sa laban na ito katuwang ang mga beteranong sina Jade Gentapa, Jewel Lai, Klarisa Abriam, Diane Ventura at Kaila Miranda.
Tatargetin din ng Lady Knights na madagit ang ikalawang sunod na panalo sa liga para mas patatagin pa ang kanilang puwesto sa leaderboard ng torneo tangan ang 1-0 baraha.
Gagamiting bentahe ng Letran ang four-set victory kamaikalan kontra sa EAC Lady Generals, 22-25, 25-10, 25-18, 25-13, para sa kanilang unang panalo sa pangunguna ni Chamberlaine Cunada kasama sina Julienne Castro, Khryss Monteagudo, Daisy Melendres at Charlmagne Simborio.
Bubuksan naman ang araw sa tapatang CSB at Letran (juniors) sa alas-8:30 ng umaga at sa alas-10 ang CSB at Letran (men’s) at sa alas-3:30 at 5 ng hapon ang junior’s at men’s duel ng EAC at Mapua.
- Latest