Women’s basketball league panawagan ni coach Pat
MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na kampanya sa parehong 3x3 at 5x5 women’s basketball sa katatapos lang na 30th Southeast Asian (SEA) Games, isang professional women’s league ang sigaw ni head coach Patrick Aquino.
Naibulsa ng 3x3 women’s ang gintong medalya sa inaugural staging ng 3x3 basketball sa biennial meet habang nadagit ng Gilas women’s ang unang gintong medalya sa women’s 5x5 basketball tournament nang padapain ang Thailand, 91-71.
Naging mainit ang pagtanggap ng Pinoy basketball fans sa gold medal match ng Filipina cagers sa Mall of Asia Arena at masaya si Aquino sa atensyon na natatanggap nila ngayon kaya hiling niya ay sana magtuluy-tuloy ito.
“Well, we’ve been dreaming of that since Day One that we handled the national team, na sana we make it great for women,” sabi ni Aquino na women’s basketball director din ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). “And now that we’re here, we achieved the goals that we’re supposed to do, and sana, for me, to keep it growing. You know, let’s not just let this pass by.”
Sa kasalukuyan, dalawang liga ang mayroon sa bansa para sa mga kababaihang naglalaro ng basketball - ang Women’s National Basketball League (WNBL) at ang kauna-unahang Chooks-to-Go Pilipinas Women’s 3x3.
Ngayon, bilang program director ng women’s basketball sa bansa, pangarap ni Aquino na mas lalo pang palaguin at pagyabungin ang basketball para sa mga kababaihang nasa sports na ito sa mga susunod pang taon.
Umaasa rin ang sixth-time UAAP women’s basketball champion coach na may mga sponsor na magpapakita ng interes para suportahan sila para magkaroon ng sarili nilang liga.
“Hopefully, a sponsor will come in next year and help us out to have a league of their own for women’s basketball. I think they’ll be proud of it. Sana lang, sana lang ‘yung dream ko na ‘yun maging dire-diretso sa mga susunod na mga taon,” panapos nito.
- Latest