Ginebra babangga sa Northport
MANILA, Philippines — Inaasahang gagamitin ng Barangay Ginebra at ni head coach Tim Cone ang ‘momentum’ sa pagsagupa sa NorthPort sa kanilang best-of-five semifinals showdown para sa 2019 PBA Governor’s Cup.
Sa likod ng pamamahala ni Cone ay inangkin ng Gilas Pilipinas ang pang-18 korona sa men’s basketball competition ng katatapos lang na 30th Southeast Asian Games.
Kabilang sa line-up ng Nationals sina Gin Kings players Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Stanley Pringle, LA Tenorio at Joe Devance, nakasama sa coaching staff ni Cone, at si Fil-German big man Christian Standhardinger ng Batang Pier.
Sisimulan ng Ginebra at NorthPort ang kanilang semifinals series ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bukod kina Slaughter, Aguilar, Pringle at Tenorio ay ipaparada rin ng Gin Kings sina import Justin Brownlee, Scottie Thompson at Arthur Dela Cruz.
Itatapat naman ng Batang Pier ni mentor Pido Jarencio sina reinforcement Michael Qualls katuwang sina Standhardinger, Sean Anthony, Kevin Ferrer, Sol Mercado at Nico Elorde.
Nauna nang ginulat ng NorthPort ang Ginebra matapos itakas ang 98-96 panalo para ibulsa ang pang-walo at huling tiket sa eight-team quarterfinals noong Nobyembre 17.
“We actually have a long way to go, we don’t wanna get too happy although we’re super happy,” sabi ni Anthony sa pagsagupa ng Batang Pier sa paboritong Gin Kings.
Magkaibang ruta ang dinaanan ng Ginebra at NorthPort para maitakda ang kanilang semifinals showdown.
Pinagbakasyon ng No. 4 Gin Kings ang No. 5 San Miguel, 100-97, sa kanilang quarterfinals duel na tumapos sa pangarap ng Beermen na maisubi ang ikalawang PBA Grand Slam.
Naghari ang mga Beermen sa nakaraang 2019 PBA Philippine at Commissioner’s Cup.
Bilang No. 8 seed, kinailangan ng Batang Pier na talunin ng dalawang beses ang No. 1 ranked NLEX Road Warriors sa quarterfinals.
- Latest