61-gold galing sa Clark
MANILA, Philippines — Pinagbidahan ng arnis, athletics at dancesports ang paghakot ng 61-gintong medalya sa 149 golds overall ng Team Philippines sa Clark Cluster sa katatapos lamang na 30th Southeast Asian Games.
Ginawang minahan ng ginto ng mga Pinoy arnisador ang Angeles University Foundation sa Pampanga sa paghakot ng 14 golds para maging pinakaproduktibong sport kasunod ang athletics na may 11 golds mula sa bagong gawang New Clark City at 10 golds sa dancesports sa Royce Hotel and Casino.
Ang mga magigiting na Pinoy arnis warriors ay sina Dexter Bolambao, Mike Banares, Nino Mark Talledo, Villardo Canimay, Jester Huquire, Elmer Manlapas, Carloyd Tejada, Sheena Del Monte, Ross Ashley Monville, Jedah Mae Soriano, Abegail Abad, Mary Allin Aldeguer at Crisamuel Delfin na nanalo sa kani-kanilang dibisyon.
Pinangunahan naman nina Kristina Marie Knott at Eric Shawn Cray ang pananalasa ng track and field team matapos manalo ng individual gold at naging bahagi ng mixed relay team para sa 11 ginto na ambag ng athletics team na humakot din mula sa bagong gawang New Clark City Stadium.
Pumukaw naman ng pansin ang mga dancesport athletes sa paghakot ng 10 golds mula sa Royce Hotel and Casino kung saan ginanap din ang Pentaque competition.
Tig-tatlong gold ang pares nina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Nualla at tambalan nina Wilbert Aunzo at Pearl Marie Cañeda, habang tigalawang golds naman ang tambalang Mark Jayson Gayon-Mary Joy Reginen at Michael Angelo Marquez-Stephanie Sabalo.
Limang gold naman ang ambag ng jiu-jitsu sa pa-ngunguna ni Maggie Ochoa at Annie Ramirez na pinarisan nina Dean Michael Roxas, Adrian Rodolfo Erwin Guggenhelm at Carlo Angelo Peña mula Laus Group Event Centre kung saan ginawa rin ang judo at kurash.
Nanalo naman ang judo ng tatlong golds sa pa-ngunguna ni Kiyomi Watanabe kasama sina Shugen Pablo Nakano at Mariya Takahashi.
Tatlong golds din ang shooting na pinangunahan ni Marly Martir na gold sa Women’s WA 1500 PPC at bahagi rin ng naka-gold na women’s team. Naka-gold din ang men’s trap team.
Tigalawang golds naman mula sa wakeboarding, wrestling, sambo at golf na pinangunahan ni Bianca Pagdanganan na nanalo ng individual stroke play gold at bahagi rin ng nanalong women’s team sa Luisita Golf and Country Club.
Gold din ang Pinas sa mga team sport na baseball at softball na ginanap sa The Villages at rugby 7s sa Clark Parade grounds kung saan ginanap din ang archery competition. Tig-isang gold ang kurash, lawnballs at swimming.
- Latest