Tuloy ang laban ng atletang Pinoy
(Pang-masa) - December 8, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi matatawaran ang husay at galing ng mga atletang Pilipino na tunay na nagbubuhos ng dugo’t pawis mabigyan lamang ang bansa ng gintong medalya sa mga international tournaments.

Patunay nito ang kasalukuyang pakikipag-laban ng Pinoy athletes sa 2019 Southeast Asian Games kung saan abot-kamay na ng Pilipinas ang overall championship title matapos humakot ng gintong medalya sa iba’t ibang kategorya.

Kung magpapatuloy ang paghakot ng mga atletang Pinoy ng gintong medalya hanggang sa hu­ling araw ng bakbakan ng 11-day-11 nation biennial meet na ito, ‘di malayong makuha ng Team Philippines sa ikalawang pagkakataon ang pangkalahatang kampeonato.

Una nang dinomina ng Pilipinas ang SEA Games noong 2005 edisyon na ginanap din sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakalikom ang Pinoy athletes ng 113 ginto, 84 pilak at 94 tansong medalya sapat para angkinin ang kauna-unahang overall title sa biennial meet.

Kinokonsiderang po-werhouse country ang Pinas sa SEA Games.

Unang lumahok ang Pilipinas noong 1977 edisyon kung saan nagparamdam agad ito ng lakas matapos kumana ng 31 ginto, 30 pilak at 30 tanso para makuha ang ikatlong puwesto.

Mula noon, hindi na nawala sa Top 5 ang Pilipinas.

Isa sa pinakamagandang performance ng tropa noong 1983 sa Singapore kung saan pumangalawa ang Team Philippines bitbit ang 49 ginto,  48 pilak at 53 tanso.

Runner-up din ang Pilipinas noong 1991 Manila SEA Games na tinapatan ng Team Philippines ng 91 ginto – kinulang lang ng isang gintong medalya sa overall champion Indonesia na nakalikom ng 92 gold medals.

Nakabawi ang Pilipinas noong 2005 para ang­kinin ang kauna-unahang overall title.

Subalit unti-unting lumagapak ang Pilipinas sa medal standings.

Nasa ikaanim lamang ito noong 2007 sa Thailand (41-91-96), 2011 sa Indonesia (36-56-77), 2015 sa Singapore (29-36-66) at 2017 sa Malaysia (23-33-64).

Ang pinakamasamang pagtatapos ng Pinas sa SEA Games ay ang ikapitong puwesto noong 2013 edisyon sa Myanmar (29-34-38).

Kaya naman determinado ang Team Philippines na maibalik ang ningning sa bandila ng Pilipinas sa 2019 SEA Games.

Sa tulong ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, naihanda ng husto ang mga atleta.

Ipinadala sa iba’t ibang training sites ang mga Pinoy athletes.

Kumuha ng mahuhusay na foreign coaches na siyang hahasa at gagabay sa kampanya ng mga atleta.

Pagkatapos ng SEA Games, sesentro ang atensiyon ng Team Philippines sa kampanya nito sa 2020 Tokyo Olympics kung saan puntirya ng bansa na tuldukan ang pitong dekadang pagkauhaw nito sa mailap na Olympic gold medal.

Inaasahang madaragdagan pa ito ng mga SEA Games heroes gaya nina Rio Olympics silver meda­list Hidilyn Diaz ng weightlifting,  world champion Carlos Yulo ng gymnastics, world champion Nesthy Petecio ng boxing at four-time champion Kiyomi Watanabe ng judo.

Ang mga SEA Games champions na umaasang magiging Olympic champion balang araw. Panga­rap na hindi malayong ma­bigyan ng katuparan sa Tok­yo Olympics sa susunod na taon. Chris Co

PINOY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with