14-golds lahat ang ambag ng Philippine Arnis
Russell Cadayona (Pang-masa) - December 4, 2019 - 12:00am

ANGELES CITY, Pampanga, Philippines — Tuluyan nang hi-nablot ng Team Philippines ang overall crown ng arnis competition matapos kumolekta ng 14 sa kabuuang 20 gold medals sa 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Angeles University Foundation.

Kinumpleto nina Crisamuel Delfin at Mary Allin Aldeguer, nagwagi sa men’s at women’s anyo non-traditional open weapon, ayon sa pagkakasunod, ang pamamayani ng mga Pinoy sa nasabing event na una at huling idinaos noong 2005 Manila SEA Games.

Sa nasabing edisyon ay hinirang na co-champions ang Pilipinas at Vietnam sa parehong sinikwat na tatlong golds at tatlong silvers.

Maliban sa 14 golds ay nagbulsa rin ang mga Pinoy ng apat na silver at dalawang bronze medals.

“Since nag-start po kami ng July lahat po iyan ay pinaghandaan na po namin para makamit namin ‘yung mga medalya na gusto naming kunin,” sabi ni Delfin. “Naipakita po namin na ang arnis ay sariling atin.”

Winalis nina Dexler Bolambao (bantamweight), Niño Mark Talledo (featherweight), Villardo Cunamay (lightweight) at Mike Bañares (welterweight) ang apat na ginto sa men’s livestick.

Nagdagdag naman ng gold medal si Jezebel Morcillo (bantamweight) sa women’s livestick kung saan tatlo ang inangkin ng Vietnam.

Dinomina rin ng mga Pinay ang women’s padded stick mula sa mga panalo nina Sheena Del Monte (bantamweight), Jedah Mae Soriano (featherweight), Ross Ashley Monville (lightweight) at Abegail Abad (welterweight). Nagsubi naman ng tatlong gold medals sina Elmer Manlapas (featherweight), Jesfer Huquire (bantamweight) at Carloyd Tejada (welterweight) sa men’s padded stick.

Sa baseball, dumiretso ang Blu Girls sa kanilang ikatlong sunod na panalo habang wala pa ring talo ang Blu Boys sa dalawa nilang asignatura sa softball event ng 30th Southeast Asian Games dito sa The Villages sa New Clark City.

Inilampaso ng Blu Girls ang Indonesia, 11-1 para ilista ang 3-0 record sa women’s softball competition.

Nauna nang pinatumba ng Blu Girls, ang nine-time champions sa biennial meet, ang Singapore, 6-0 at Malaysia, 8-1 noong Lunes.

Sinagasaan naman ng mga Blu Boys, ang runner-up noong 2017 Asian Youth Championships, ang Thailand, 11-0 at isinunod ang Indonesia, 7-3 para iposte ang 2-0 kartada sa men’s division.

Sa baseball sa Clark International Sports Complex, tinalo ng mga Pinoy batters ang Cambodia, 12-0, para sa pagsisimula ng kompetisyon.

Nakatakda namang simulan ngayon ang mga aksyon sa judo sa Laus Group Event Centre sa San Fernando, Pampanga.

PHILIPPINE ARNIS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with