Phl pencak silat nagpakita ng kahandaan
MANILA, Philippines — Nagpamalas ng ka-handaan ang Pinoy pencak silat team para sa Southeast Asian Games matapos sumipa ng dalawang ginto at anim na tansong medalya sa 2019 Southeast Asian Sultan’s Pencak Silat Championships na ginanap sa Palacio del Maynila sa Malate.
Nagsilbing lider si Edmar Tacuel nang kubrahin nito ang gintong medalya sa men’s artistic singles event kung saan tinalo nito sina Dino Bima Sulistiano ng Indonesia at Muhammad Iqbal Bin Abdul Rahman ng Singapore na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Nakahirit din ng ginto sina Pinay bets Jerema Beato, Jamaila Jeanne Ramos at Mit Jude Jalandoni na namayagpag sa women’s artistic team category.
Galing naman ang tanso kina Jess Dela Cruz (women’s Class B), Daniel Dumaan (men’s Class A), Rechel Llavore (men’s Class B), Ian Christopher Calo (men’s Class D) at Jelly Joy Huinda (women’s Class A).
Ang ikaanim na tanso ay mula kina Jefferson Rhey Loon, Rick Rod Ortega at Fames El Mayagma sa men’s artistic team event.
Magandang indikasyon ito para sa Pinoy artists na nagnanais malampasan ang isang ginto at apat na tansong nakuha nito noong 2017 edisyon ng SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
- Latest