Rain or Shine lusot sa Blackwater sa Game 1
MANILA, Philippines — Isang 11-0 atake ang inilunsad ni import Carl Montgomery para akayin ang mga Elasto Painters sa panalo.
Humakot si Montgomery ng 17 points, 19 boards at 2 blocks at isinalpak ni Rey Nambatac ang isang tres sa huling 2.3 segundo para tulungan ang No. 6 Rain or Shine na talunin ang No. 3 Blackwater, 83-80, sa Game One ng kanilang quarterfinals series para sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
“It was a tough win. They (Elite) are good and competitive win,” sabi ni Montogomery, tumipa ng 4-of-8 shooting sa three-point line para sa Elasto Painters. “We found a way to win and I’m happy. We just got to learn how to control our lead and not let the other team have a run.”
Susubukan ng Rain or Shine na walisin ang Blackwater sa kanilang best-of-three series sa Game Two sa Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Itinala ng Elasto Painters ang 12-point lead, 49-37, sa dulo ng second period hanggang maagaw ng Elite ang 59-57 kalamangan mula sa inihulog na 20-7 bomba sa huling 2:26 minuto sa third quarter.
Huling napasakamay ng Blackwater ang bentahe sa 80-72 matapos ang tripe ni No. 2 overall pick Bobby Ray Parks, Jr. sa nalalabing 1:32 minuto ng final canto kasunod ang 11-0 ratsada ng Rain or Shine para muling umibabaw sa 83-80 galing sa tres ni Nambatac sa huling 2.3 segundo ng bakbakan.
Samantala, kapwa naman pipilitin ng No. 1 TNT Katropa at No. 2 NorthPort, parehong may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage, na sibakin ang No. 8 Alaska at No. 7 San Miguel sa kani-kanilang quarterfinals duel.
Magtatapat ang Tropang Texters at Aces ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang pagtutuos ng Batang Pier at Beermen sa alas-6:45 ng gabi sa Big Dome.
- Latest