Real Gold, Boss Emong balikatan sa 3rd leg ng Triple Crown Series ng Philracom
MANILA, Philippines — Maaksyong labanan ang masasaksihan sa ikatlong bahagi ng Triple Crown Series ng Philippine Racing Commission sa Linggo sa MetroTurf Racing Complex.
Papagitna ang first-leg winner na Real Gold (jockey JP A Guce) na pagmamay-ari ng C & H Enterprise at second-leg champion na Boss Emong (jockey Dan Camañero) ni Edward Vincent Diokno.
“It’s anybody’s race. I don’t think magiging fight lang ito between my horse Boss Emong and Real Gold, only God can tell kung sino ba ang nararapat para sa korona ng 3rd leg ng Triple Crown,” ani Diokno.
Maliban sa Boss Emong at Real Gold ay apat na kabayo rin ang umaasinta sa premyong P1.8 milyon mula sa kabuuang P3 milyon na inihanda ng Philracom sa nasabing 2,000-meter race.
Ito ay ang My Jopay (owner Moises Villaseñor, jockey Pat R. Dilema); Shanghai Grey (Melanie Habla, JB Hernandez); Sir Joaquin (Juanito Tionloc, JT Zarate) at My Dad Bogart (Renato Virata, MP Laloma).
Ang My Jopay na nakasali na sa first at second leg ng serye ay hinog na sa panalo, samantalang ang My Dad Bogart at Sir Joaquin ay maaring makahila ng sorpresa.
“We are blessed that Real Gold is able to compete in all three legs of the triple crown. Special thanks goes to the connections behind the conditioning of the horse. May the best horse win this coming Sunday,” ani Butch Mamon, isa sa may-ari kay Real Gold.
Ang sesegunda ay tatanggap ng P675,000, habang ang pupuwesto sa ikatlo at ikaapat ay makakuha ng P375,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod.
Magwawagi naman ng P100,000 breeder ng mananalong kabayo.
Sa ikatlong serye ng 2019 Philracom Hopeful Stakes Race na tatakbuhin din sa 2,000 metro ay pitong kabayo ang maglalaban-laban para sa premyong P600,000 sa pangunguna ng second leg runner-up na Two Timer (owner Melanie Habla, jockey JA Guce) at ikatlong puwestong The Accountant (Luis Aguila, Pat R Dilema).
Sasalang din ang Best Regards (owner Peter Aguila, jockey CP Henson), My Shelltex (Antonio Tan, JB Guce), Phenomenal (Enrique Javier, JP A Guce), Tulos Express (Mario Alvarez, RM Garcia) at Westeros (Juan Miguel Yulo, AR Villegas).
Ang huling kabayong nagwagi ng Triple Crown ay ang Sepfourteen ng SC Stockfarm noong 2017 at ang Kid Molave noong 2014.
- Latest