Red Lions pinapak ang Generals
MANILA, Philippines — Pinadapa ng San Beda Red Lions ang Emilio Aguinaldo College Generals, 89-72, para masolo ang liderato ng Season 95 NCAA men’s basketball tournament “Campus On Tour” kahapon sa EAC Gym.
Humataw si Fil-Canadian James Canlas ng 21 points, habang nag-ambag si Evan Nelle ng 15 markers para makopo ng Red Lions ang ikatlong sunod na panalo.
Nagtala si Calvin Oftana ng 14 points at may 13 at 10 markers sina Donald Tankoua at Clint Doliguez, ayon sa pagkakasunod.
“Medyo malaki ang discrepancy doon. We need to work on that,” sabi ni SBU head coach Boyet Fernandez sa kanilang mabagal na umpisa kung saan kinuha ng EAC ang 12-2 abante bago nila naagaw ang 24-16 bentahe.
“Credit to EAC, they really prepared well today and started strong,” dagdag ni Fernandez.
Pinamunuan ni Marwin Taywan ang Generals mula sa kanyang 20 points kasunod ang 15 markers ni Kriss Gurtiza.
Nalasap ng EAC ang ikalawang kabiguan sa tatlong laro.
Sa juniors’ division, tumipa si Rhayyan Amsali ng 18 points para akayin ang Red Cubs sa 94-70 panalo sa Brigadiers at masungkit ang solo top spot.
Bukod kay Amsali na nagtala rin ng 5 assists at 3 steals, nagdagdag din ng 14 at 12 markers sina Wilmar Oftana at Yukien Andrada, ayon sa pagkakasunod.
- Latest