Davis hindi maglalaro sa World Cup at Olympics
LOS ANGELES - Para tutukan ang darating na kampanya ng Lakers ay mas pinili ni Anthony Davis na huwag lumahok sa USA Basketball training camp at sa FIBA Basketball World Cup.
Kinumpirma ng mga league sources na plano pa rin ni Davis na maglaro para sa 2020 Olympic team, ngunit mas gusto niyang ibuhos ang kanyang offseason para sa darating na 2019-20 NBA season suot ang uniporme ng Lakers.
Pormal na ipinakilala ng Lakers ang 6-foot-9 na si Davis sa isang press conference kamakalawa.
Isusuot ni Davis ang kanyang elementary at middle school jersey na No. 3, habang patuloy na gagamitin ni LeBron James ang No. 23.
Hindi na sasama si Davis sa USA Basketball training camp sa Las Vegas na nakatakda sa susunod na buwan at maging sa 2019 FIBA Basketball World Cup sa China.
Si Davis ay naging miyembro ng 2012 USA Olympic squad at ng national team na sumabak noong 2014 FIBA Basketball World Cup.
Nakuha ng Lakers si Davis sa isang blockbuster deal kung saan nila ibinigay sa New Orleans Pelicans sina guards Lonzo Ball, Brandon Ingram, Josh Hart, ang draft rights kay No. 4 overall pick De’Andre Hunter, dalawang first-round picks, isang first-round pick swap at cash.
Dinala rin ng Lakers sina Moritz Wagner, Isaac Bonga, Jemerrio Jones at isang second-round pick sa Washington Wizards bilang bahagi ng nasabing trade.
Kumpiyansa si James na matutulungan ni Davis ang Lakers na lumaban para sa NBA crown sa darating na season.
- Latest