Pang 41 finals ng San Miguel
Gusto nang tapusin ng Magnolia
MANILA, Philippines — Ginawa na ng Phoenix ang lahat, ngunit sadyang hindi nila kaya ang San Miguel.
Naligtasan ng Beermen ang paghahabol ng Fuel Masters mula sa 25-point deficit para kunin ang 105-94 panalo sa Game Five ng kanilang semifinals showdown patungo sa 2019 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Winakasan ng San Miguel, hangad ang pang-limang sunod na korona ng All-Filipino conference, ang kanilang best-of-seven semis series nila ng Phoenix sa 4-1.
Umabante ang koponan ni coach Leo Austria sa kanilang pang-41 finals stint para targetin ang ika-26 titulo.
“We can’t rest because we still have to review tapes,” sabi ni veteran guard Alex Cabagnot, namultahan ng P20,000 dahil sa Flagrant Foul Pe-nalty 2 kay RJ Jazul sa Game Four, na tumapos na may 22 points at 7 assists.
Magsisimula ang best-of-seven championship series sa Mayo 1.
Mula sa 72-47 ng San Miguel, nakalapit ang Fuel Masters sa 94-98 sa huling 2:32 minuto ng final period.
Kumamada naman si Terrence Romeo ng isang jumper na sinundan ng split ni Arwind Santos at dalawang free throws ni five-time PBA MVP June Mar Fajardo para muling ilayo ang San Miguel sa 103-94 sa nalalabing 42.2 segundo ng laro.
Samantala, hangad ang kanilang pang-30 finals stint, lalabanan ng Hotshots ang Elasto Painters ngayong alas-7 ng gabi sa Game Six ng kanilang semifinals showdown sa 2019 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
- Latest