Tuloy sa Blackwater si Parks
Andrew Dimasalang (Pang-masa) - April 11, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines – Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa Blackwater Elite din ang tuloy.

Tila iyan ang kinahantungan ni Bobby Ray Parks Jr. matapos pumirma na sa wakas ng kontrata sa mother team na Blackwater para sa natitirang bahagi ng 44th Philippine Basketball Association (PBA).

Kinumpirma ito ni Elite governor Silliman Sy kamakalawa gayundin ni Parks mismo matapos ang kanilang masinsinang pagpupulong na nagbigay daan nga sa tuluyang pirmahan na ng kontrata.

“Yes,” ani Sy nang tanungin kung pumirma na nga si Parks sa koponan. “Signed,” dagdag naman ni Parks sa kanyang maikli ngunit klarong social media post.

Tumataginting na P2 milyon para sa isang taong kontrata ang pinirmahan ni Parks. Ibig sabihin ay susuweldo siya ng maximum rookie salary na P200, 000 kada buwan sa natitirang dalawang conferences na Commissioner’s Cup at Governors’ Cup.

Matatandaang nasikwat ng Blackwater bilang second overall pick nito si Parks sa idinaos na 2018 PBA Rookie Draft noong nakaraang Dis-yembre.

Subalit bunsod ng naunang kontrata ni Parks sa koponang San Miguel – Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League, hindi muna nakalaro si Parks sa PBA mother team na Blackwater sa Philippine Cup.

Sa Mayo pa sana inaasahang maglalaro si Parks para sa Blackwater sa PBA lalo’t ang Alab Pilipinas ang nagdedepensang kampeon sa ABL subalit napaaga ito bunsod ng nakakagulat na 0-2 quarterfinal series loss ng koponan sa Hong Kong Eastern.

Inaasahang makikipag-ensayo na si Parks sa Blackwater na nagbalik na sa training camp nitong Lunes matapos ang masaklap na 2-9 kartada sa idinaraos na 2019 Philippine Cup.

Dadatnan ni Parks sa koponan ang bagong coach na si Aris Dimaunahan na umangat sa puwesto matapos magbitiw ang dating mentor na si Bong Ramos.

Bilang two-time Most Valuable Player na hindi lamang sa ABL kundi maging sa panahon niya rin sa NU sa UAAP, inaasahang magiging ma-laking tulong si Parks sa koponan ng Blackwater na sasandal din sa ibang rookies na sina Paul Desiderio, Abu Tratter at Diego Dario kasama ang mga beteranong sina Allein Maliksi, Mac Belo, Roi Sumang at Mike DiGregorio.

 

PARKS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with