NU-Ateneo Finals rematch ikinasa
MANILA, Philippines – Nagpasabog si guard Terrence Fortea ng 30 points para pamunuan ang National University sa 94-72 pagsibak sa karibal na Adamson University at umabante sa ika-walong sunod na UAAP juniors basketball championship appearance kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Kaagad umiskor si Fortea ng 22 points sa first half tampok ang limang three-point shots sa paggiya sa Bullpups sa 54-35 abante at hindi na nilingon pa ang Baby Falcons.
“He really played well. Day in and day out, ganoon naman talaga siya. He will try his best,” sabi ni NU coach Goldwin Monteverde kay Fortea, nagtala ng magandang 7-of-14 shooting sa 3-point area.
Binawian ng Bullpups ang Baby Falcons na tumalo sa kanila sa first round.
Muling lalabanan ng NU ang nagdedepensang Ateneo sa best-of-three championship series na magsisimula sa Lunes sa nasabing San Juan City venue.
Winalis ng Bullpups ang dalawang laro nila ng Blue Eaglets ngayong season.
Pinatalsik ng Ateneo ang Far Eastern University-Diliman, 90-82, sa isa pang semis match.
Humugot si 7-foot-1 Kai Sotto ng 19 sa kanyang 22 points sa second half at nagdagdag si rookie Ian Espinosa ng 19 markers, 4 assists, 3 boards at 2 steals para sa panalo ng Blue Eaglets laban sa Baby Tamaraws.
“With only five guys coming back from our championship, kitang-kita naman sa endgame, kailangan pa namin ng experience,” pahayag ni Ateneo first-year coach Reggie Varilla.
- Latest